Must paint my walls white to have this!
Source: thefancy.com
MANGYARI LAMANG | Rico Abelardo
Mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmahal nang makita ng lahat ang mukha ng pag- ibig.
Ipamalas ang tamis ng malalim na pagkakaunawaan sa mga malabo ang paningin.
Mangyari lamang ay tumayo rin ang mga nagmahal at nasawi nang makita ng lahat ang mga sugat ng isang bayani.
Ipadama ang pait ng kabiguan habang ipinagbubunyi ang walang katulad na kagitingan ng isang nagtaya.
Mangyari lamang ay tumayo ang mga nangangambang magmahal nang makita ng lahat ang kilos ng isang bata.
Ipamalas ang katapatan ng damdamin na pilit ikinukubli ng pusong lumaki sa mga engkanto at diwata.
Mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmahal, minahal at iniwan ngunit handa pa ring magmahal nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan.
Ipamalas ang katotohanang nasaksihan nang maging makahulugan ang mga paghagulgol sa dilim.
At sa mga nananatiling nakaupo mangyari lamang ay dahan-dahang tumalilis papalabas sa nakangangang pinto.
Umuwi na kayo at sumbatan ang mga magulang na nagpalaki ng isang halimaw! At sa lahat ng naiwang nakatayo mangyari lamang ay hagkan ang isa’t isa at yakapin ang mga sugatan.
Mabuhay tayong lahat na nagsisikap na makabalik sa ating pinagmulan! Manatiling masaya at higit sa lahat magpatuloy sa pagmamahal.